Untitled

Ang Buhay ng isang Iska

ISANG PAGSUSURI: ANG KONSEPTO NG EDUKASYON SA EPIKO NG “HUDHUD HI ALIGUYON” (Epiko ng mga Ifugao)

panimula

 Bago pa man dumating ang mga Kastila sa Pilipinas, magugunitang sagana ang ating bansa sa likas na yaman. Sa panahon ng mga katutubo, mahihinuhang may maunlad na konsepto na ang mga sinaunang tao ng panitikan na masasalamin sa mga kaalamang-bayan. Magkatulad ang kaalamang-bayan at ang tinatawag nating pantikang-bayan dahil karaniwan sa mga ito ay nasa pasalindila kung kaya’t itinuturing itong panitikan sa tradisyong oral o pasalita. Kabilang dito ang mga sumusunod: epiko, bugtong, tugmang-bayan, salawikain, at awiting-bayan na nasa anyong patula, kwentong-bayan, alamat at mito na nasa anyong tuluyan, at ang mga katutubong sayaw at ritwal ng mga katalonan o babaylan na itinuturing na nunong anyo ng dula sa bansa.

            Kaugnay sa mga naunang nabanggit, napatunayan na ng ating panitikan na mayroon ng sariling sistema at pamamaraan ng pamumuhay ang ating mga ninuno. Maging usapin man ito ng sinaunang istrukturang pampamahalaan, batas, paraan ng pagpapaparusa (judicial processes), kultura, paniniwalang espiritwal, ekonomiya, at higit sa lahat ay edukasyon, na pawang mga komyunal at pampublikong gawain noon (Funtecha).

            Kung tataluntunin sa maliit na siwang ang ating kasaysayan, mahihinuhang lahat ng kaalaman at karunungan noong unang panahon ay pawang nasa isang kolektibong aktibidad. Kaniig din ng mga sinaunang katutubo ang kaligiran at kapaligiran sa paggaod sa pang-araw-araw nilang pamumuhay. Mahusay itong maoobserbahan sa kanilang mga epiko at bugtong. Isa na rito ang halimbawang: “Kapag hiniwa mo,\naghihilom nang walang pilat.” Ang sagot sa bugtong na ito ay “tubig”.  Kung susubukang unawain ang nilalaman nito, kakikitaan ang bugtong ng implikasyong siyentipiko. Makikita kung papaanong pag-aralan ng mga katutubo ang kanilang daigdig at kapaligiran – mula sa mga puno’t halaman, anyong tubig, at matatarik na kabundukan. Ngunit sadyang nakamamangha lamang na ang tinutukoy sa bugtong na iyon ay aspekto ng siyensyang tinatawag na surface tension ng tubig.  Isama pa natin ang paniniwala nila sa kosmolohiya, espiritu, mitolohiya at ilan pang mga bagay na maaari nating paghanguan ng mgaideya tungkol sa kanilang pandaigdig na pananaw/pananaw-mundo o weltanschauung.

            Magkagayon, susi ang panitikang-bayan upang masalamin ang sibilisasyon at kabihasnan noong unang panahon. Ang pagpapasalin-saling-dila ay naipapasang karunungan na pamanang hatid sa mga susunod pang henerasyon, kaya’t itinuturing na gintong pamana. Ganito ang uri o tipo ng edukasyon noong unang panahon ang tinatawag na di-pormal sa kasalukuyan. Tinatantsang isang oportunidad at responsibilidad itong tangan ng buong pamayanan, kung kaya’t sinasabing tugon ito sa pangangailangan. Sa ganitong estado tayo inabutan ng mga Kastila – mayroon maunlad at maipagmamalaking sining at kultura bukod pa sa edukasyong nakasandig sa pangangailangang ekonomiko ng pamayanan.

            Sa papel na ito, sisikaping halawin ang konsepto ng edukasyon sa epiko ng hudhud ni Aliguyon. Bibigyan ng mananaliksik ng matapat na pagbasa ang papel kung kaya’t uusisain at susuriin ang epiko, upang maipakita at mabalangkas ang mga kontradiksyon at pilosopiyang nakapaloob dito sa kontekstong panlipunan katulong ang makabagong kritikang pampanitikan.

 

ANG REHIYONG SINILANGAN NG EPIKONG “HUDHUD NI ALIGUYON”

             Bago lubusang tumahak sa pinakapusod ng papel, mabuting alamin muna at kilalanin ang lugar ng etnikong pangkat ng mga Ifugao, kung saan nagmula ang epiko ng Hudhud. Ito’y para na rin sa kabatiran ng maraming mga mag-aaral na makababasa ng papel na ito, higit sa lahat ay upang maunawaan ang rehiyong nagluwal sa tradisyong pasalata, ang epiko ng “Hudhud Hi Aliguyon”.

            Ang CAR (Cordillera Administrative Region) ay pinagsasangahan ng anim na lalawigan tulad ng: Abra, Apayao, Benguet, Ifugao, Kalinga at Mountain Province.  Makikita ang CAR sa hilagang bahagi ng Luzon. Inookupa ng nasabing rehiyong ang mga lugar sa loob ng bulubunduking Cordillera, na pinakamahabang bulubundukin sa bansa. Kilala ito sa pagkakaroon ng mga matataas na bundok kung saan makikita ang kamangha-manghang mga payyo (hagdan-hagdang palayan). Tinuturing ang lugar na Summer Capital ng bansa dahil sa kakaibang klima at lamig ng lugar (Aguilar) kung kaya’t dinarayo ng maraming tao sa loob at labas ng bansa.

            Ang nasabing lugar ay mayaman sa mineral na ginto at tanso. Bukod pa rito, mayaman din ito sa panitikan at wikain na aabot sa apatnapu tulad ng: Wikang Ilokano, Kankanay, Ifugao, Ibaloi, Kalinga, Isneg at marami pang iba. Mauulinigang doon nagmumula ang mga etnikong pangkat tulad ng Ifugao, Ibaloi, Ilongot, Kankanay, Isneg, Kalinga at Bontok, mga tribong pangkat na bumubuo sa nasabing lugar.  Subalit ang Ifugao ang pinakapuso sa lahat ng etnikong pangkat.

            Ang Ifugao ay napapaligiran ang Benguet sa kanluran, Mountain Province sa hilaga, Isabela sa silangan, at Nueva Vizcaya sa timog. Isa sila sa mga pangunahing grupong etnolinggwistiko sa Cordillera. Naninirahan sa lalawigan ng Ifugao ang mga taong may gayon ding pangalan. Itinuturing ang mga Ifugao na pinakamalikhaing grupong etniko sa bansa dahil sa kanilang kakayahang lumikha ng mga payyo na kinikilalang isa sa mga piling world heritage sites sa buong Silangang-Asya ang kanilang mga payyo kung kaya’t nararapat lamang na pangalagaan nang husto, upang masiguro na makikita pa ng mga susunod na henerasyon sa darating pang panahon. Dagdag pa rito, nakamamangha din ang kanilang husay sa eskultura o paglilok ng imahen ng kanilang mga anito na gawa sa matitigas na kahoy. Sa katunayan, maraming halimbawa ng kanilang mga bulol[1] o antropomorpikong lilok-kahoy ang itinuturing ng mga eksperto bilang mga obra maestra na maihahanay sa pinakamahusay na ispesimen ng sining etnograpiko sa daigdig. Kung gayon tunay na dapat hangaan ang mitolohiya ng mga Ifugao, na marahil ay kumakatawan sa pinakamasalimuot ngunit katangi-tanging pamamaraan sa sistema ng mga grupong etniko sa Pilipinas. Ito ang dahilan kung bakit kilala sila sa loob at labas ng Pilipinas na batay sa isinagawang pananaliksik, napag-aalamang noong Marso 18, 2001, ay pinasinayaan ng UNESCO ang epikong hudhud ng mga Ifugao bilang isa sa mga “masterpieces of the oral and intangible heritage of humanity.” [2]  Ang proklamasyon ito ay isang pagkilala sa kahalagahan ng tradisyong pasalita bilang nananatiling alaala ng isang matandang kultura, isang tradisyon na nanganganib dahil sa estandardisasyong pangkultura, modernisasyon, turismo, at iba pang salik.

            Ang hudhud, isang di-ritwal na naratibong pabigkas, ay maindayog na pagsasalaysay ng pakikipagsapalaran ng mga babae’t lalaking bayaning mitikal na binibigkas ng mga matatandang Ifugao upang baguhin at basagin ang nakababagot at nakapapagod na trabaho o ang matinding katahimikan sa kabundukan o kaya’y lamayan.  Binibigkas din ito bilang bahagi ng binugwa[3], isang ritwal ng paghuhukay upang kunin ang mga buto ng mga namatay para linisin bago sila muling ilibing. Mayroong mahigit sa 200 kwento, na sa kalahata’y bumubuo ng 40 kabanata, at ang buong pagsasalaysay nito ay maaaring abutin ng tatlo hanggang apat na araw. Ang kanilang Hudhud, ay inaawit din sa panahon ng anihan, kasalan, at burol ng mga namatay na [kilalang] miyembro ng tribo (Lambrecht).

            Batay sa ginawang pagsubaybay ng mananaliksik sa estado ng tradisyong pasalita, naaangkop lamang na sabihing hindi na bago o lingid sa kabatiran ng marami ang tungkol sa hudhud. Sa katunayan, pangkaraniwan na itong pinapaksa sa mga pag-aaral ng panitikan sa tradisyong epiko ng Pilipinas. Ang hudhud ay mailalarawaing bukal ng karunungan ng nalalabing buhay na tradisyong oral at kultura sa bansa. Maaaring ang hudhud ay nasa gitna ng mabalasik na pagbabagong panahon, subalit kakikitaan pa rin ito ng katangi-tanging katangian (unique characteristics) sa ating kontemporaryong panahon, kung kaya’t itinuturing itong ginintuang labi ng ating lumipas bago pa man tuluyang namantsahan ang buong pagkatao natin ng mga dayuhan sa bansa.

            Sa ganitong aspekto pag-uusapan sa papel na ito ang mga saligang katangian ng hudhud bilang isang natatanging anyo ng tradisyong oral o pasalita ng mga Ifugao. Hahalawin ang konsepto ng edukasyon sa gawaing hudhud ng mga matatanda o ninunong Ifugao at ilalahad ng ilang mga diskurso o probisyonal na kuro-kuro ukol sa implikasyon ng hudhud sa pagbubuo ng kasaysayan ng mga Ifugao. Gabay sa pananaliksik ang unang salin sa Ingles ni Amador Daguio, Francis Lambrecht at E. Arsenio Manuel, mga dalubhasang mananaliksik sa tradisyong oral ng Pilipinas.

 

 “HUDHUD HI ALIGUYON”: PAGKILALA SA EPIKONG NASA TRADISYONG ORAL

            Katulad ng binabanggit sa itaas, madalas na nating margining ang tungkol sa hudhud. Subalit, magsimula tayong usisain kung ano nga ba ang hudhud bilang epiko. Isaalang-alang natin ang dalawang depinisyon ng epiko. Una, ayon kay Jan Vansina sa Oral Tradition: A Study In Historical Methodology, ang epiko ay salaysay na inilahad ng patula. Binubuo ito ng daan-daang berso o estropa, naglalahad ng isang masalimuot na kwento na puno ng kababalaghan at kabayanihan, at nakatutok sa isang pangunahing tauhan o personahe na kinikilalang protagonista sa loob ng kwento. Kapag tinalakay naman ang tradisyong epiko sa Pilipinas, hindi maiiwasang banggitin ang pahayag tungkol dito ng antropolohistang si E. Arsenio Manuel at isa sa mga pangunahing iskolar sa tradisyong pasalita ng Pilipinas. Ayon kay Manuel, “kinakatawan ng epiko ang mga pinakamahabang salaysay na patula sa Pilipinas.”  Sa mga talakay niya tungkol sa mga tradisyonal na epiko ng Pilipinas (tinatawag niyang ethnoepic). Magkagayon, kung gagamitin natin ang kahulugan ng etno-epiko ni Manuel at ng iba pang iskolar ng epiko hindi ito naiiba sa panunuring morpolohikal na analisis na may estruktura ng anda (function/motif) gaya ng anda na binabanggit ni Robert Scholes sa Structuralism in Literature  ni Vladimir Propp at ipinakikita ito bilang  “isang gawa ng tauhan, na binibigyang-katuturan ayon sa pagdaloy ng aksiyon.” Ang mga sumusunod na batayang katangian ng katutubong epiko ay: (1) ito ay may mahahabang salaysay na batay sa tradisyong oral; (2) umiinog sa mga pangyayaring super-natural o sa mga kamangha-manghang gawain ng isang bayani; at (3) kinakatawan at sinususugan ang mga paniniwala, kaugalian, mithiin, at pagpapahalaga ng isang grupong etniko (Scholes).  Kung ang ang mga depinisyong ito ang gagamitin, masasabi natin na ang hudhud ay isang epiko (ibid.).

            Unang-una, kung ang epiko ay naglalahad ng mahabang-mahabang kwento, nangangahulugan lamang ito na binubuo ito ng isang serye ng mga magkakaugnay na pangyayari, at ang pagsasalaysay nito ay maaaring magtagal nang ilang oras o isang araw. Ang pangunahing hibla ng salaysay ay binubuo ng pakikipagsapalaran ng protagonista o sentral na tauhan, ang kanyang pagsuong sa madudugong labanan, at ang kanyang pagsuyo at pakikipag-isang dibdib sa isang dalagang kapatid ng antagonista (pangunahing kaaway). Sa paglalahad ng banghay na ito, pumapasok ang maraming mumunting detalye at insidente na siyang nagpapahaba sa salaysay. Ikalawa, ang kwento ng hudhud ay napapalamutian ng mga elemento ng kababalaghan. Halimbawa, isinalaysay sa isang bersiyon kung paano nagkaroon ng buhay  ang isang nililok na kahoy nang ito’y bugahan ng isang lalaking hindi magkaanak. Makikita kung paano nililok ang tauhan sa pamamagitan ng paglalarawan sa kanya ng mang-aawit na nagsasalarawan ng malabayaning katangian nito. Kung ang pangunahing tauhan ng huhdud ay makikilala sa antas na kakaiba sa karaniwang mortal doon palang may bahid na ito ng anda. Kagaya ng pahayag ni Scholes tungkol sa morpolohiya ni Propp.  idagdag pa rito ang pisikal na katangian ng protagonista gaya ng pagiging: makisig, matipuno, matapang at mayaman na karaniwang makikitang andang sa mga epiko. Isang kathang larawan ng isang ulirang bayani si Aliguyan, siya ang pangunahing tauhan o protagonista na may pambihirang papel na tampok mula umpisa hanggang katapusan ng salaysay sa “Hudhud Hi Aliguyon” ni Daguio.

            Ikatlo, sinasalamin ng hudhud ang mga paniniwala at kustombre ng sinaunang lipunan o lipunang may uri, ari at lahi ng mga Ifugao, isang mayamang lipunang maituturing na di-atrasado ang klase ng pamumuhay. Ang pangitaing ito sa epiko ay bagay na kanilang pinahahalagahan pagkat matatagpuan ang paglalarawan sa kanilang mga iniidolong diyos ng kanilang lipi. Mga konsepto na kinababatayan ng mga ugnayang pampamilya, at kalagayang materyal ng iba’t ibang grupo sa loob at labas ng ili o nayon. Higit sa lahat matingkad ang paniniwala ng mga Ifugao tungkol sa mga super-natural na nilalang at kung paano dapat makipag-ugnayan ang mga tao sa mga ito. Mangyari pa, matatagpuan din sa hudhud ang pagtukoy sa iba’t ibang ritwal o seremonya na mahigpit na bahagi ng pang-araw-araw nilang buhay.

            Ang hudhud ay nararapat na hindi mahiwalay sa tradisyon sapagkat bunga ito ng bukambibig ng ilang henerasyon      Ayon kay Delfin Tolentino ng “Hudhud Bilang Epiko: Tradisyong Pasalita at Nakasulat sa Kasaysayan,” na lubs na napatunayan ng mga alamat na ng mismong pag-awit nito. Nakakamangha na dahil sa labis na paghanga nila sa kanilang mitolohikal na nakaraan ay mauulinigan ito sa pamamagitan ng pag-awit.  Sa mitolohiya may makikitang isang mala-diyos na bayani sa isang grupo ng mga babaeng naggagapas ng palay sa kanilang payyo; ang lalaking nasa epiko ang nagturo sa kanila ng iba’t ibang kwento at aral na ngayon ay siyang paulit-ulit na isinasalaysay ng mga manganganta ng hudhud (Lambrecht, 1-2); (2) ang pahayag ng mga manganganta ng hudhud na ito ay natutuhan nila sa kanilang mga ninuno na natutunan din naman sa kanilang mga kanunu-nunuan; at (3) ng pagkakataon ng iba’t ibang baryant (variant); at a(4) ng patuloy na pagpasok ng mga bagong detalye sa mga kontemporanyong (contemporaneous) bersyon nito (ibid.).  Ang pagsulyap sa ugat ng hudhud ang pagmumulan ng ilang pagsusuri na gagamitin ng pag-aaral.

            Malinaw ang nais iparating ng mga awit na ito ay may sangkap ding nakapanghahalina upang makatawag ng pansin/interes ng bawat makikinig gayon din ng magsasagawang umawit nito. Ang sining na ito ang pamamaraan ng pagtuturo sa di-pormal na paraan. Malaki ang papel ng mga mang-aawit ng hudhud sa pagbibigay ng kaalaman ukol sa kanilang paniniwala gayon din ng kanilang kaugalian mula sa pagtatanggal ng mga damo sa palayan patungong pagtatanim at pag-aani na pawang agrikultural na kaalaman.  Ang bawat isang miyembrong umaawit nito ay maituturing na alagad sa kanila ng sining na tagapaghabi ng kanilang tradisyong kultural, sosyolohikal at espiritwal.

 

HUDHUD: ANG KINATAWANG KAALAMAN SA DI-PORMAL NA EDUKASYON

            Katulad ng mga naunang nabanggit, hindi makagagaod ang etno-epiko sa tradisyong oral nang hindi ito makakasamang talakayin sa pag-aaral ng panitikang oral sa Pilipinas. Subalit ano nga ba ang nais ipakita ng hudhud sa usapin ng edukasyon sa Pilipinas?

            Maaaring maalala natin na lahat ng kanilang mga gawain ay pawang nasa komyunal na aktibidad. Sa kanilang sama-samang paggaawa o kolektibong paraan, naipamamalas nilang may malaking bahagi ang kanilang lugar sa kanilang pagkatuto. Ang mga dahilan nila’y maririnig sa kanilang mga awit at mga ritwal na may kahalong mito o kaya’y alamat.  Paniniwalang ang mayamang lugar at kapaligirang nila ang una nilang naging guro sa paggaod nila sa kani-kanilang pang-araw-araw na gawain/pamumuhay. Para sa kanila ang kanilang masaganang pananim sa kabundukan ay habilin sa kanila ng mga espiritung nananahan sa maraming sulok ng kanilang daigidig. Mauunawaang, sa hudhud makikita ang magagandang kaugalian ng kanilang mga ninuno. Ang ulirang pag-uugali, ang katapangan ni Aliguyon ang pakikipagkasundo sa mga kaaway, ang mga inihahandog kapag may mga piging, ang pasasalamat, ang paghahanda at pag-iingat sa mga kayamanan ay isang malinaw na palatandaang ang kondisyong materyal ng mga ninuno ay sadayang masagana. Bayaning maituturing ang kanilang pinagmulang lahi sa kabatirang tao ang larawan nito. Nakikidigma na tulad ng mga tao, nakikiisa sa mga tao at namumuhay na gaya nila kaya’t ang larawang iyon ang batid nilang dapat nilang tingalain.

            Ang salikop ng naratibong awit na hudhud ay tumatalakay sa kamatayan at pagkabuhay. Sa buong kalupaan ng Ifugao ang paniniwala sa mitolohiya ay tanyag at laging binibigyan ng kaukulang pansin kung kaya’t di maiwasang  matalakay nito ang pinagmulan ng lugar, at ang paniniwala at praktis (paniniwala sa mga kaluluwa  o kaya’y espiritu ng mga kalikasan at namayapang kaanak sa lugar).

            Maaaring ang hudhud ay isang pamamaraan lamang ng paghahatid kaalaman. Subalit ang kaalamang iyon ang nagsisilbing tulay o channel upang maipasa sa kanilang nakalingkis na paniniwala sa mga kapanalig. Maipasa  ang kaisipang nag-ugat pa sa mga ninuno nila kaya’t tinatawag itong nunong kaalaman. Ang edukasyon noon ay masisislayang bukas sa karanasan o tinatawag na “eksperyensyang kaalaman.” tinatawag ding “di-pormal” na pag-aaral o edukasyon subalit  may sariling estruktura na masisilayan sa pagsasalaysay ng hudhud at maging sa pagtatanim ng kanilang mayamang palayan, kanilang pangunahing ikinabubuhay.  May proseso sila sa paglilinang sa mga bagay-bagay gaya ng paglilinang sa pagsasaka o agrikultural, na ipaliliwanag sa gitna ng papel na ito. Ang pagpapasa-pasa  nito ay pares din sa  ginagawa ng mga guro sa mga batang nasa primaryang antas (elementaryang antas) sa kasalukuyan subalit naiiba lamang sa lugar dahil kasama ng mga kaanak ang mga bata sa tunay na gawain. Mahalaga  ang kaalaman sa mga katutubo sapagkat doon nila nakikitang tugon iyon sa kanilang pamumuhay. Ang talas ng pag-iisip ay naipapakita sa pagsasalaysay nito sa hudhud. Batay kay Allan Rogers Looking Again at Non-Formal and Informal Education – Towards a New Paradigm, pambihira ang kakayahan noon ng mga naunang tao. Dahil hindi man tinatawag ang mga bagay na alam nila sa paraan ng pagkilala sa kasalukuyan mababatid mong may implikasyong siyentiko sa iba’t ibang disiplina ang kinatakatawan ng kaalaman nila. Ang pagtatayo ng mga payyo ay sadyang di matatawaran at ang patuloy na pagbuhay sa hudhud ay isa pang  ahensyang naglilinang ng malalim na kaalaman ukol sa kanilang mga diyos ng kalikasan at ng palay. Ang pagbibigay ng kaalaman ay nagsisimula sa paglilinis ng mga palayan, pagtatanim at pag-aani, pawang agrikultural ngunit maging sa ngayon ay pinag-aaralan sa kasalukuyang panahon.

            Dahil ang hudhud ay umaabot sa libong bersyon, masasabi natin na may isang karaniwang padron o hulmahan ang kwento. Kung paano? Una, makikita ang paglisan ng bayani sa kanyang nayon at ang paglalakbay patungo sa teritoryo ng kaaway. Ikalawa, ang matagalang pakikipaglaban niya sa kaaway na si Pumbakhayon. Ikatlo, ang pagtatapos ng labanan. Ikapat, ang pagtatagpo, pag-iibigan, at pag-iisang dibdib ng bayani at ng anak na babae ng kaaway na ang hantungan ay kasal. Ito ang padrong nilalaro ng mang-aawit ng hudhud, at upang makita natin kung paano ito binibigyan-laman, lagumin natin ang kwentong nakapaloob sa isang bersyon, ang bersyong isinalin at ginamit ng makatang si Amador Daguio sa kanyang akdang Hudhud  Hi Aliguyon: Ang Bersong Inawit ni Hinayup Bantiyan ng Burnay  na trinanskayb ni Pio Abul noong 1937.

            Ang bersyong Daguio ay umiinog sa pakikipagsapalaran ni Aliguyon, anak ni Amtalao ng nayong Hannanga. Sa unang bahagi ng bersiyong ito, matutunghayan ang pag-uulat sa “edukasyon” ni Aliguyon, kung paano siya natuto tungkol sa buhay at sa pakikipaglaban mula sa kaniyang ama. Mula naman sa mga mumbaki (native priest/katulad ng pari) ng kanyang nayon, natutuhan ni Aliguyon ang mga mahiwagang salita na binibigkas sa panahon ng digma. Nang siya ay magbinata, pinamumunuan ni Aliguyon ang mga mahuhusay na mandirigma ng kanyang nayon sa pakikipagtuos sa kaaway ng kanyang ama, si Pangaiwan ng nayong Daligdigan. Sa teritoryo ng kaaway, nakatunggali ni Aliguyon ang anak ni Pangaiwan, si Pumbakhayon, na isa ring magiting at mahusay na mandirigma. Sumunod ang isang madugong digmaan sa pagitan ni Aliguyon at ni Pumbakhayon na tumagal nang tatlong taon. Sa panahong nang puspusang labanan, nagpaligsahan sa gilas ang dalawang tauhan, at natapos lamang ang labanan at hidwaan ng dalawang nayon nang idaos ang isang negosasyon pangkapayaan (peace pact).  Sa pagtatapos ng negosasyong ito nakilala ni Aliguyon si Bugan, nakababatang kapatid  na babae ni Pumbakhayon. Nagkaibigan ang dalawa, iniuwi ni Aliguyon si Bugan sa kanilang nayon, at doon ginanap ang kasalan. Si Pumbakhayon naman ay nakasal din sa kapatid na babae ni Aliguyon. Tulad ng mga romantikong salaysayin, sa pagtatapos ng kwento ng hudhud makikita ang panunumbalik ng kapayapaan at kasaganaan.

             Batay sa iba’t ibag bersyon ng hudhud na nakalap at napag-aralan ni Daguio. Bago pa  man dumating ang ikalawang digmaang pandaigdig o ang giyera noong dekada 50, sinasabi ni Lambrecht (Lambrecht, 1960, 20) na iisa ang takbo ng kwento at himig ng hudhud. Napansin niya ang malalaking pagkakahawig ng mga baryant sa kanilang pagtukoy sa mga lugar na pinangyarihan ng kwento at sa kanilang paglalarawan sa mga seremonsya  at labanan. Ngunit  magkakahawig ang mga baryant na ito hindi lamang sa nilalaman kundi maging sa anyo, at sa aspektong ito ay muli nating makikita ang kumbensiyonal na karakter ng hudhud.

            Tulad ng iba pang klase ng panitikang-bayan ng mga Ifugao, makikita sa hudhud ang pag-iral ng ilang kumbensyon o saligang tuntunin ng komposisyon. Una, dapat  munang banggitin na ang pagkanta ng hudhud ay karaniwang ginagawa hindi sa iisang tao kundi ng isang grupo o koro na pinangungunahan ng isang punong mang-aawit, at sa lahat halos ng pagkakataon ang mga mang-aawit ay babae.[4] Ang punong mang-aawit ay hindi lamang isang simpleng solong mang-aawit kundi siyang tagapagdala ng salaysay. Siya ang humahabi ng kwento, ang nagtatagni-tagni sa iba’t ibang insidente na bumubuo sa salaysay. Sa kabilang banda, ang koro naman ay walang interbensyon sa salaysay, ibig sabihin, wala silang ipinapasok na bago sa takbo ng kwento, bagkus ay nag-uulit lamang ng mga piling salita o  parirala, o dili kaya’y nagbibigay ng kaunting komentaryo sa sinasabi ng solong mang-aawit. Samakatwid, ang sinasabi ng koro ay hindi dugtong sa sinasabi ng solong mang-aawit. Ito ang dahilan kung bakit sa transkripsyon ng orihinal at sa literal na pagsasalin na ginawa ni Lambrecht sa mga hudhud na kanyang nailathala na, ang mga berso ay binubuo ng dalawang magkahiwalay na parte[5] (Lambrecht, The Mayawyaw ritual). Ito rin ang dahilan kung bakit masasabing buo pa rin ang teksto ng hudhud kung aalisin ang parte ng koro sapagkat kumpleto ang maiiwang naratibo at masusundan ito ng sinumang may pagkamalay sa batayang kwento ng hudhud. 

            Mapanpansin sa teksto ng hudhud ang kalayaan sa estilo ng pananaludtod nito. Unang-una, iba-iba ang haba ng mga linya o taluntod, kung kaya’t wala itong estriktong sukat o haba. Ikalawa, wala ring makikitang eskima ng pagtutugma. Kung nagpaparehas man ang tunog ng mga huling pantig ng ilang taludtod, ito ay hindi regular kaya’t masasabi na ang tugmaan ay insidental lamang.  Pagmasdan ang halimbawa sa ibaba:

Bersyon ni Pio B. Abul at J. Scott McCormick
HUDHUD HI ALIGUYON

Salin ni Daguio

THE HARVEST SONG OF ALIGUYON

Hi Aliguyon, nak Amtulaw

Doladad Hannanga,

Ohanan bigbigat ya kanana,

“Daan kayuken, a-ay-ayam Aliguyon?

Gawaon yuy gawanad Hannanga.”

Kahingayan nan a-ay-ayam Aliguyon,

Ot mun-bowbow-wor da.

Bow-wot Aliguyon an inken-adna ohladanda,

Hay bow-wot Aliguyon ya natuh-ug baleda,

Ot miptek hi bangibang aman hi Iken.

Gimangao an pimmingo man bang ibang;

Daig-ngol Aliguyon, nak Amtalo

Aliguyong, son of Amtulao.

Who resisted in Hannanga,

One early morning said,

“Where are you, comrades of Aliguyon?

Do what us done in Hannanga.”1

Noisily, Aliguyon’s fellow assembled,

And They played tops.

Aliguyon’s top bounded through the yard,

Aliguyon’s top spun inside their house,

And hit the bangibang2 of old Iken.3

The bangibang sounded with a musical ring;

Aliguyon, Amtalao’s son, heard the sound,

1 -  ang nasa loob ng “” ay hinalaw sa orihinal na tekstong isinulat ni

2 – piraso ng kahoy na tila hugis boomerang at ginagamit sa pagpapatunog kapag mayroong      namayapang tao, higit sa lahat kung ang taong namatay ay kinikilala sa lipunan

3 – literal na matanda o tawag sa ama

       - ito ang halimbawa ng pleonasm  (makikita ang kahulugan sa sa susunod na pahina)

 

            Para sa mananaliksik ang ikinatatangi ng hudhud ay ang pagbibigay nito ng malaking pansin sa ilang naiibang katangian ng teksto. Halimbawa, makikita sa hudhud ang paggamit ng metaporiko o matatalinghagang pananalita (figurative speech) o tayutay.  Ikalawa,  makikita rin dito ang pleonasm,[6] ang paggamit ng mga dagdag o sobrang salita upang makalikha ng naiibang epekto p impresyon. Ikatlo, kapansin-pansin ang paggamit ng pag-uulit (repetition) ng mga kataga. Sinikap ni Lambrecht   na ipakita ang mga katangiang ito sa pamamagitan ng isang linggwistiko at istaylistikong pagsusuri sa mga piling salita o terminolohiya na ginagamit sa hudhud para tukuyin ang ilang bahagi o aspekto ng topograpiya ng kwento. Halimbawa, ang nayon, bakuran, imbakan ng palay o palayan, ilog, at bahay (Lambrecht, 3-12). Iba’t ibang dahilan ang nagdidikta sa paggamit ng mga naturang kagamitang pampanitakan, pangunahin na rito ang  kagustuhang makalikha ng epektong matulain o mabigyan ng kaaya-ayang ritmo o indayog ang mga taludtod. Kaugnay nito, dapat ding banggitin ang espesyal na bokabularyo ng hudhud na binubuo ng mga salitang hindi ginagamit sa mga ordinaryong usapan o talastasan, hal., ibang salita ang ginagamit ng hudhud para tukuyin ang kumot na ibinabalot sa mga namamayapang tao, o ang hagabi[7], ang prestihiyosong upuan na maipapagawa lamang ng pinakamayamang tao sa komunidad.  Ang ilan sa mga salitang ito ay di tuwirang pagbibigay ngalan sa mga bagay na kanilang tinutukoy. Ang iba naman ay ginagamit para sa kanilang poetikong katangian, hal., sa halip na gamitin ang salitang gangha para tukuyin ang katutubong gong, ginagamit sa hudhud ang salitang balangbang dahil sa pagkakawangki ng tunog ng salita sa tunog ng gong – isang kaso ng onomatopeya.

 

URI, ARI AT LAHI NA NASA KONTEKTO  NG EPIKONG HUDHUD

            Madalas nating itanong kung kailan nga ba inaawit ang hudhud. Ito ang pag-aalayan ng pansin sa konteksto ng hudhud. Ating unahin kung kailan inaawit ang hudhud. Tatlong sitwasyon ang madalas banggitin  kung kailan ito kinakanta. Una, kinakanta ito sa bakuran kapag may lamay sa patay at ang yumao ay isang taong tinitingala sa ili. dahil sa kanyang yaman o prestihiyoso. Ikalawa, kinakanta ito kapag may mga grupo ng kababaihan na nag-aayos ng mga payyo o nagdadamo sa mga palayan. Kinakanta rin ito tuwing panahon ng tag-ani. Ang huli ang pinakamadalas na okasyon sa pagkanta ng hudhud. Ito ang dahilan kung bakit malimit na tawagin ang hudhud bilang harvest song o awit ng pag-aani.[8]

            Kung isasaalang-alang ang karaniwang pinapaksa ng hudhud – ang mga kamangha-manghang pakikipagsapalaran ng isang pambihirang nilalang – mapapansin na walang tuwiran o hayag na kaugnayan ang hudhud sa mga okasyong pinaggagamitan nito, kaya masasapantaha natin na kinakanta ang hudhud sa mga naturang okasyon bilang paglilibang o pampalipas-oras lamang. Mapapansin din na ang pagkanta ng hudhud ay hindi nakaugnay sa anumang ritwal o sagradong seremonya, bagay na lalong nagpapatingkad sa tila kawalan nito ng seryosong intension.

            Mahabang talakayan at palitan ng mga kuro-kuro noong mapadpad si E. Arsenio Manuel noong Enero 1967 at nakiramay sa pagyao ng  bantog na antropolohista at  propesor na si Henry Otley Beyer,[9]  ng na habang nakaburol ay pinagpupugayan ng mga Ifugao at ng iba pa nitong panauhin mula sa ibang lugar. Samantala si Manuel ay nakakuha roon ng pagkakataon upang makapanayam ang ilang mga katutubong naroroon sa lamay, tungkol sa iba’t ibang aspekto ng kulturang Ifugao. Sapagkat may mga kumakanta ng hudhud sa lamay ng yumaong propesor, nakatawag  iyon ng pansin at magsimulang manaliksik ukol sa usaping ito (Tolentino).

            Ayon sa isa niyang nakapanayan,  ang pag-awit ng hudhud ay ginagawa lamang (1) tuwing tag-ani, kapag ang taong nagpapaani  ay mayaman, at (2) kapag mayroong patay, at ang patay na ito ay katulad din ng unang binanggit, mayaman.  Ang pahayag o salaysay na iyon ang kumalabit sa malikot at mapanuring kaisipang ng manunuri. Sa isa pang pagkakataon ay isang impormante ang muling nakausap at sinabi nitong, “kinakanta lamang ang hudhud sa bahay o palayan ng isang taong mayaman. Nang tanunging muli ang unang kinapanayam, kung ang hudhud ay batid din ng mga mahihirap, sinabing niyang batid din nila ang awit na ito, subalit hindi nila ito maaaring awitin sa sariling bahay o palayan “sapagkat sila ay mahirap, at ang hudhud a para lamang sa mga mayayaman.” (ibid).

             May ilang nakatatawag ng pansin kung ating pipigain ang salaysay na ito. Mahihinuha na ang pagkanta ng hudhud ay hindi isang demokratikong institusyon. Kundi, isa itong aparatong pangkultura ng kadangyan o uri ng mariwasa sa lipunang Ifugao.  Sinususugan ang interpretasyong ito ng ilang matitingkad na detalye ng hudhud. Nabanggit na kangina na ang protagonista ay isang pambihirang bayani na kakaiba sa mga karaniwang  nilalang, at sa pagiging kaiba niya ay malaki ang kinalaman ng kanyang uring pinagmulan. Ito ang isa sa lagi’t laging itinatampok ng hudhud. Sa hudhud ni Aliguyon sa Hannanga, halimbawa, sa pagsisimula pa lamang ay ididiin na ng salaysay ang kayamanan ng protagonista at ng kanyang pamilya. Makikita rito si Indumulaw, ang ina ni Aliguyon, na nag-aalala tungkol sa mga lumang kayamanan ng kanyang pamilya – mga alahas, kwintas ng perlas, at palamuting ginto – na kakailanganin ang mga ito sa mga idaraos na seremonya – tulad ng gamgaman at ng ritwal ng hagabi (kamalig kung tawagin sa hudhud) – na magpoproklama na ang pinagmulan ni Aliguyon kapag dumadalo sa iba pang mga pista o espesyal na okasyon upang maipaalam sa lahat na siya ay taong mayaman at marapat lang na ang mapangasawa ay mula rin sa mariwasang angkan. Sa katunayan, ang pag-aasawa ni Aliguyon ay isa sa pinakatampok na pangyayari sa kwento ng hudhud, at nagsisilbi itong okasyon para maipasok ang isa pang importanteng palatandaan ng kariwasaan, ang pagdaraos ng marangyang uya’uy o pista sa kasal.

            Kadalasan, sa mga talakay sa tradisyonal na kultura ng mga Ifugao at iba pang kawangking grupo, tinutukoy ang kolektibong karakter ng kulturang ito. Sa paglalarawan, halimbawa, sa mga awiting bayan o sa mga likhang-sining, sinasabi na kinakatawan ng mga ito ang diwa at mithiin sa hudhud, hindi lahat ng manipestasyon ng kulturang ito ay kumakatawan sa kolektibong pananaw o hangarin. Gaya ng ibang kultura, ang tradisyonal na kultura ng Ifugao ay hindi mapagpalaya sa dikta ng mga namamayaning pananaw. Magandang busisiin, samakatuwid, sa iba pang pag-aaral ang ideyolohiyang nagdidikta sa hugis at laman ng mga anyong pangkultura na tulad ng hudhud.

 

TRANS-PORMATIBONG PAGBUO NG KASAYSAYAN NG MGA IFUGAO

            “Ay, hindi ninyo ba alam na ang mga istorya ng aming hudhud ay hindi totoo?” Ito ang sambit kay Francis Lambrecht ng isang babaeng Ifugao noong una siyang manaliksik tungkol sa mga “kakaibang awitin” ng mga Ifugao. “Hindi totoo” ang mga istoryang ito sapagkat, ayon na rin sa alamat tungkol sa kung paano nagsimula ang pagkanta ng hudhud, inimbento lamang ni Aliguyon o Pumbakhayo ang mga salaysaying hanggang ngayon ay ikinukwento ng mga naghuhudhud (Lambrecht).

            Ang paglitaw ng mga salaysay na tulad ng binabanggit sa itaas ay nagpapakita o nagpapahiwatig ng mga ideya na humihingi ng pagtingin sa bumabasa kung kaya’t nais kong bigyan ng matapat na pagbasa kung ano ang maaaring maging koneksyon ng hudhud sa pagbubuo ng kasaysayan ng mga Ifugao.

            Sa unang sipat ang gamit ng tradisyong oral o pasalita sa pagsulat ng kasaysayan batay kay Jan Vansina sa kanyang dalawang libro tungkol dito, ang Oral Tradition: A Study in Historical Methodology at Oral Tradition as History  ay may kinalaman sa relasyon ng tradisyong oral sa nakasulat na kasaysay kung kaya’t pinag-uusapan kung paano matitiyak . Ayon sa kaniya pinag-usapan natin ang relasyon ng tradisyong oral sa nakasulat na kasaysayan, ang pangunahing problema natin ay kung paano titiyakin ang espesyal na katangian o batis ng impormasyon tungkol sa nakaraan.” May iba’t ibang palagay dito. May mga naniniwala na sadyang hindi mapagkakatiwalaan ang mga tradisyong pasalita o oral, at hindi na kailangang pag-aksayahan ng panahon o oras ang pag-iimbestiga kung magagamit nga ang mga ito sa pagsulat ng kasaysayan. May mga nagsasabi din na ang mga tradisyong ito ay maaaring maglaman ng ilang katotohanan, ngunit halos imposibleng matantiya ang saklaw ng katotohanang ito. Iginigiit naman ng iba na may katotohanang pangkasaysayan sa tradisyong oral at magagamit ito sa pagbubuo ng kasaysayan kung maingat na masusunod ang mga kaukulang metodo o pamamaraan.

            Ayon kay Vansina, kung gustong maunawaan ang isang historyador ang mga pangyayaring isinalaysay ng isang testimonya mula sa nakalipas, ang dapat muna niyang gawin ay unawain nang husto ang testimonya (Vansina).

            Unang-una, dapat niyang matiyak kung mayroon ngang nilalamang pangkasaysayan ang testimonya. Sa kaso ng hudhud, halimbawa, ano ang magiging turing sa mga pangyayaring isinasalaysay nito? Matatandaan na para sa maraming Ifugao, ang mga kwento sa hudhud ay imbento lamang, o nag-ugat sa mga pangyayaring super-natural.  Maaaring magtaglay ito ng ilang impormasyong   tungkol sa mga bagay na aktwal na naganap, ngunit ang pagtatala ng mga pangyayaring makasaysayan ay hindi ang pangunahing layon ng hudhud. Dapat ding isaalang-alang ang pangingibabaw dito ng ideolohiyang kadangyan, bagay na nagbibigay sa hudhud ng isang natatanging perspektiba na nagdidikta sa kung ano ang isasalaysay at kung paano ito isasalaysay.

            Dapat ding suriing nang masusi ang estruktura ng testimonya. Nabanggit na ang ilang kumbensyon ng hudhud na siyang nagbibigay-hugis dito. Halimbawa, ang mga pangunahing pangyayaring isinalaysay sa hudhud ay may kinalaman sa dalawang bagay: una, ang madugong labanan na sinususugan ng protagonista, at ikalawa, ang mga ritwal na kinasasangkutan niya. Magkaibang-magkaiba ang pagtrato ng hudhud sa dalawang ito. Realistiko ang paglalarawan sa mga ritwal o seremonya. Sa kaso naman ng mga eksena ng labanan, mapapansin ang eksaheradong pag-uulat at paggamit ng mga pantastikong pag-uulat at paggamit ng mga pantastikong mga detalye. Maipapaliwanag ito sa dalawang paraan. Ang una, at  ito ay hayag, layon ng ganitong paglalarawan na pag-ibayuhin ang daymensyong heroiko ng protagonista alinsunod sa intensyong ipakita ang naturang tauhan bilang isang napakapambihirang  nilalang. Ang ikalawang paliwanag ay may kaugnayan sa isang unibersal na  katangian ng mahahabang salaysay sa tradisyong oral; ang paggamit ng mga ito ng mga  tauhang may mala-diyos na katangian at ang paglalagay sa mga tauhang ito sa mga sitwasyong dakila at hindi malilimot. Ang ganitong teknik ay kailangan sa tradisyong pasalita sapagkat ang ganitong paglalarawan ay isang kasangkapan upang madaling maalala ng mang-aawit o mananalaysay ang mga pangunahing hibla ng kwento – tandaan na siya ay walang nakasulat na sanggunian tala at umaasa lamang sa kanyang memorya. Makikita dito kung paano ang sinasabi ng salaysay ay maaaring maapektuhan ng mga konsiderasyong teknikal. S Dapat ding magtaglay ng sapay kakayahan ang historyador sa pag-intindi sa kahulugan ng testimonya, kapwa sa literal at di-literal na antas nito. Mangyari pa, kailangan niya ng sapat na kaalaman tungkol sa wika ng salaysay o testimonyang kaniyang ginagamit. Sa sinundang talakay tungkol sa poetikong linggwahe ng hudhud, lumitaw na maaari itong maging isang malaking hadlang sa pag-intindi sa mensahe ng akda.

            Sa kabila ng mga naturang problema o limitasyon sa paggamit ng hudhud bilang batis ng impormasyon tungkol sa nakaraa, masasabi na may mapupulot dito ang historyador na may hangaring gamitin ito sa pagbubuo ng kasaysayang Ifugao. Halimbawa, ang mga detalyeng tumutukoy sa iba’t ibang bagay, natural o likhang-tao, sa kaligiran ng hudhud ay maaaring gamiting bilang index ng kulturang materyal ng mga Ifugao noon. Ang paglalarawan o pagtukoy sa mga ritwal o kustombre ay maaaring magbigay ng importanteng kaalaman tungkol sa kaugaliang pangkultura noon at maaari din itong gamitin, kung ihahambing sa mga kasalukuyang kustombre, sa panlipunan. Ang mga elementong pangwika naman ng hudhud ay maaaring magamit bilang mga palatandaan sa ebolusyon ng katutubong wika. Ang panghuli, ang mga namamayaning paniniwala sa salaysay ng hudhud ay maaaring saliksikin nang husto upang magamit sa rekonstruksyon ng pananaw-sa-daigdig ng isang bahagi kundi man ng kabuuang  lipunan ng mga Ifugao.

            Ilan ito sa mga posibilidad na maaaring saliksikin ng sinumang nahahangad na magsiyasat pa sa gamit ng hudhud sa pagsulat ng kasaysayang Ifugao.       

 

IBA PANG PAG-BASA SA EPIKO NG HUDHUD

Kung pagtatagpi-tagpiin ang ginawang pagbasa sa epiko ng hudhud maituturing ang pakikipagsapalaran ni Aliguyon sa mga Pilipinong hanggang ngayon ay humahanap sa totoong diwa ng mapagpalayang edukasyon.  Kung mayroong mang mga uring umiiral na sa panahong iyon (batay sa salaysay sa epiko ng hudhud) hindi pa rin maitatanggi na ang paraan ng pamumuhay noon ay di hamak na may kaayusan kaysa sa pagpasok ng mga mananakop sa bansa. Ang konsepto ng edukasyon sa panukatang kanluranin ang maituturing na kamangmangan subalit ng  tulad ng binabangit ni Althusser na ISA (Ideological State Aparatus), ginamit ito ng mga Amerikano upang ihalili sa relihiyong inihatid ng mga Kastila.  Ipinamukha nila sa mga katutubong kailangan nila at dapat yakapin ang mga bagay na tunay na di naman nila kailangan sa pamamagitan ng edukasyon. Kung totoo ang interpretasyon ng mananaliksik sa teksto at sa konteksto nito, ang pagusuri ng interteksto (ugnayan ng iba’t ibang teksto) ay maaaring mas makapagpalalim sa ating pakahulugan (de la Rosa).

            Kung susulyapang muli ang mga dinaanan ng bayani sa ibang mga epiko, ang katapangan at lakas ng bayani ay nangingibabaw sa kaduwagan at kahinaan ng kalaban. Dagdag pa, karaniwa’y may angking pambihirang kapangyarihan ang bayani. Kaiba rito si Aliguyon. Unang-una, ang pakikidigma niya ay hindi kasimpambihira ng sa ibang epiko. Kung gayon, ang bayani para sa mga Ifugao ay tao sa lahat ng aspekto. Tumitigil siya sa pakikidigma upang kumain, matulog, magnganga, at maligo. Umiibig din siya at ginagawa ang mga nararapat sa panliligaw. Patas si Aliguyon at ang kalaban niyang si Pumbakhayon. Ang kaaway ay hindi isang halimaw, walang karunungang itim, walang mga karumal-dumal na gawi. Kung iuugnay ito sa kontradiksyong tinukoy, masasabing bagama’t may kalaban si Aliguyon ay hindi ito tunay na kaaway kundi isang taong kapantay niya (ibid).

            Malalim na nakaugat sa kaugaliang Ifugao ang pagganap ng tungkulin sa lahi. Ano mang kasalanan sa isa ay kasalanan sa lahat na dapat tubusin. Ang tagumpay ng isa ay tagumpay na rin ng lahat. Ito ang ugat ng pakikipagdigma ni Aliguyon. Gayon pa man, makikita sa teksto ng epiko na handa silang kalimutan ang ganitong mga bagay, gaya ng pagpipigil ng ama at ina ni Aliguyon at Pumbakhayon sa kanilang mga balak. Muli, malinaw na naman dito ang kontradiksyon.

            Ang pangkalahatang pananaw sa daigdig ng mga Ifugao ay nakasentro sa paniniwala sa mga ispiritu. Ang mundo, para sa kanila, ay pinamamahayan ng mga pwersang siyang nagtatakda ng galaw nito. Pero ang bayani sa teksto ay walang kapangyarihang biyaya ng mga ispiritu. Sa pakikidigma, sariling lakas ang puhunan ni Aliguyon.

            May tradisyon ang mga Ifugao ng pamumugot ng ulo. Ito ay taal na diwa ng katarungan. Hindi ito lumabas sa teksto; bagkus ay mas matingkad ang diwa ng pagdiriwang. Ginagamit ang pagdiriwang upang mapalaganap sa lahat ang biyaya ng kolektibong pagod at upang mapatibay ang kaisahan. Sapagkat demokratisasyon ng yaman ang layon ng pagdiriwang, masasabing ito ay alternatibong idea ng katarungan na nakabaon sa kultura at pinalitaw sa teksto.

            Marami pang mga aspekto ng kulturang Ifugao ang maaaring ituring na tekstong maihahambing sa epiko. Gayon din, sa teksto mismo ay marami pang mga pagsasalungatan gaya ng sumusunod: bata : matanda / mapusok : mapagtimpi /  malakas : mahina / pagpapatuloy : pagwawakas.  Ang mga salungatang ito, (bagama’t nakapailalim sa mayor na salungatang itinuring nating gross constituent units) ay maaari ring iugnay sa kultura sa muling pagbasang intertekstwal upang higit na maunawaan ang operasyon ng epiko bilang teksto, ang kontekstong kinabibilangan nito, at ang kamalayang nakabaon dito.

 

 

 

 

KONGKLUSYON

            Sa kabuuan inuulit-ulit ang epiko ng hudhud upang makita na maaaring organisahin ito sa paraang diakroniko at singkroniko. Inihahayag ang istruktura sa paraang pag-uuli-ulit. Timutimo sa kultura yan ang makikitang pag-aaral o paraan ng paglilipat o pagsasaling-kaalaman tulong ang diakroniko-singkronikong istruktura. Sa paraang ito, malayang  m[n]aihahayag  ang kontradiksyong nararamdaman na di maharap o malutas ng kultura.

            Maaaring ipakita rin ang ibang etnoepiko ng bansa sa ganitong kaparaanan upang buhayin at gunitain ang mga ninuno. Maaaring basahin sa iba pang lento ang epiko subalit ipagpaumhin kung hindi man matalakay ang iba pang paraan ng pagbasa dahil sa kakapusan sa oras ng mananaliksik. Gayunpaman, kung tanggap man o hindi ang ginawang pagbasa o pagsusuri makikita natin na ang lohika at pag-iisip sa epiko ay kasing-igting din ng sa modernong siyensya. Ang kaibahan ay wala sa kalidad ng prosesong intelektwal kundi nasa katangian ng mga pinagmumulan ng sipat o largabistang ginamit upang makita ang iba’t ibang kuro-kuro ng mananaliksik  kung saan man ito naaangkop na gamitin.

             Kung susuriing mabuti talagang nasa mambabasa na lamang ang tungkulin, na mag-ambag sa pagbago sa lipunang pumapaslang sa iba’t ibang uri ng akda at kumukupot sa pagbuhay nito ngayon, sa makitid na sirkulo ng panggitnang uri. Kung kaya’t masasabing, ang kaalaman naibahagi ng mga akdang tinalakay sa loob ng klase ay isang mapanuri at nakapupukaw sa tulog na kaisipan at kamalayan ng marami, hindi lang ng mga mag-aaral kundi maging sa iba’t ibang sektor sa lipunan. z 

 


 

 

BATIS NG KAALAMAN 

Aguilar, Reynaldo L., et. al. Panitikan ng Pilipinas (Rehiyunal na Pagdulog). Makati City:        Groundwater Publication, 2004.

 

 

Castro, Jovita, et. al. Antolohiya Ng Mga Panitikang Asean: Mga Epiko ng Pilipinas. Lungsod             Quezon: Apo Production, 1983.

 

 

Dumia, Mariano. The Ifugao World. Lungsod Quezon: New Day Publishers, 1979.

 

 

Funtecha, Henry F., at Melanie J. Padilla. A Study Guide In Philippine History : For Teacherss          &  Students. Iloilo City: Mindset, 2000. 34-37.

 

 

Lambrecht, Francis. Ifugaw Hudhud. Reprinted from Folklore Studies, Vol. XIX. n.p. 1960.

 

 

 

Lambrecht, Francis. The Hudhud of Dinulawan and Bugan at Gonhadan. Baguio City: St.      Louis   University, 1967.

 

 

Levi-Strauss, Claude. Structural Anthropology. New York : Anchor Books, 1967.

 

 

—————-. Literary League of the Philippines . Aklat Ng Mga Teoryang Pampanitikan, 1989.

 

 

Melendrez-Cruz, Patricia M. “Ang Pananaw Mundo sa Maikling Kwentong       Tagalog/Pilipino.” Philippine Social Science & Humanities Review Vol. XLIII, Nos.         1-4 January-December 1979: 315.

 

Scholes, Robert E. Structuralism in literature: an introduction. New Haven: Yale University,             1974.   


[1] Bulol o “Diyos(a) ng Palay ng mga Ifugao – ay inukit na piguring, gaya ng kanilang mga anito na sinasamba. Ang mga inukit ay   karaniwang itinatago ng mga mayayamang Ifugao sa kani-kanilang mga bahay, kung saan naroon ang mga butil ng bigas.                         Kadalasang gawa sa narrang kahoy dahil para sa kanila, taglay ng kahoy na ito ang karangyaan, kaligayahan, at matibay na                   pangangatawan. Kapag nilililok ang mga bulol kadalasang magkapares kung ito’y gawin. Ang bawat hakbang sa paggawa ng                  bulol ay may kasabay na ritwal, mula sa pagpili ng kahoy na gagamitin hanggang sa pagdadalhan nitong bahay. Para sa kanila          mas magiging mabisa ang bulol kung ito paliliguan ng dugo ng baboy, batay kase sa kanilang binibigkas na mito, makaka-               tanggap ng pagpapala kung ito ay aalayan pa ng tapuy (alak na gawa sa bigas), ritwal na kaho at puto o rice cakes. ~ sariling                      salin  mula  sa <http://class.csueastbay.edu/anthropologymuseum/virtmus/Philippines/Crafts/Ifugao_Bulols.htm>

 

[2] “Masterpieces of The Oral and Intangible Heritage of Humanity.” UNESCO, Wikipedia. 3 October 2011. Web. 6 October 2011. <http://en.wikipedia.org/wiki/Masterpieces_of_the_Oral_and_Intangible_Heritage_of_Humanity>

[3] Binugwa – ay walang kaugnayan sa Hudhud Hi Aliguyon, pero  ginagamit ito sa paghu-hudhud dahil sa interes  ng mga Ifugao sa kanilang lumang paniniwala at praktis. (Daguio, 32).

[4] Kung minsan, panandaliang sumasali sa pagkanta ang ilang kalalakihan, ngunit ayon kay Lambretch at mga kontemporyong ulat, ang ganitong paglahok ng mga lalaki ay hindi sinasang-ayunan ng mga umiiral na alituntunin.

[5] Sa Mayawyawan Ritual ni Lambrecht makikita ang katapatan ng salin ng hudhud sa  orihinal na teksto  kumpara sa ginawa ni Daguio sa kanyang salin. Gayunpaman, ang transkrispsyon ni Lambrecht sa pananaw ng mananaliksik ang mas malapit na may kaugnayan sa literal nitong salin.

[6] Pleonasm – mula  sa Griyegong termino na kabaliktaran ng oxymora. Ibig sabihin, pagpapaulit-ulit ng salita.

[7] Hagabi – upuan ng patay at tanging mayayaman Ifugao (Kadangyan) ang karaniwang mayroon nito.

[8]  Halimbwawa, ang ibiginigay na pamagat ni Daguio sa kanang salid ng hudhud ay “The Harvest Song of Aliguyon.”

[9] Henry Otley Beyer -  ay Amerikanong antropolohista na  inilaan ang panahon sa pagtuturo sa Pilipinas. Nagturo din sa mga iskolar tungkol sa mga katutubong kultura sa bansa. Kinilalang ama ng Antropolohiyang Pilipino.  11 Oct  2011. http://en.wikipedia.org/wiki/Henry_Otley_Beyer. Web.SA EPIKO NG “HUDHUD HI ALIGUYON” 


(Source: mydashboard)